Sabado, Enero 28, 2012

Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig



Unang Digmaang Pandaigdig

Ang Unang Digmaang Pandaigdig o Unang Pandaigdigang Digmaan (Inggles:World War I / "WWI" o First World War) ay isang malawakang digmaang pandaigdig na naganap noong mga taong 1914 hanggang 1918. Sangkot sa digmaan ang mga nangungunang bansa ng mundo na noo'y nabibilang sa dalawang magkalabang alyansa: ang Alyadong Puwersa at Puwersang Sentral. Mahigit sa 70 milyong sundalo ang lumahok sa digmaang ito na pumatay ng tinatayang 9 milyong katao bunga ng mabilisang pag-unlad ng teknolohiya sa pakikibaka. Sa pangkalahatan, ang Unang Digmaang Pandaigdig ang ikaanim na pinakamapinsalang digmaan sa kasaysayan.[1][2][3][4]
Ang pagpatay noong 28 Hunyo 1914 kay Artsiduke Franz Fernando, tagapagmana ng trono ng Austria-Unggarya, ng isang nasyonalistang Serbiyan ang pinakamalapit ng sanhi ng pagsisimula ng digmaan. Ang naturang pangyayari'y nagtulak sa Austria-Unggarya na magbanta sa Kaharian ng Serbiya na siya namang nagbunsod sa mga alyansang namamagitan sa mga bansa sa Europa na makibaka sa isa't isa. Sa mga sumunod na linggo'y nasuong na sa digmaan ang mga nangungunang bansa sa Europa, kasama ng kani-kanilang mga kolonya, at ang tunggalia'y kagyat na lumaganap sa buong mundo.[5][6]
Nagsimula ang digmaan noong 28 Hulyo nang salakayin ng Austria-Unggarya ang Serbiya. Sinundan ito ng pananakop ng Alemanya sa Belhika, Luksemburgo at Pransiya at ng pananalakay ng Sandatahang Ruso sa Alemanya. Matapos mapipilan ang pag-abante ng Sandatahang Aleman patungong Paris, halos hindi na gumalaw ang linya ng mga bambang ng Bunsurang Kanluran hanggang 1917 samantalang sa Silangan ay matagumpay na nalabanan ng Sandatahang Ruso ang Sandatahang Austro-Unggaryo ngunit napaatras bunga ng pananalakay ng Sandatahang Aleman. Ilan pang bunsuran ang nagbukas matapos sumama sa digmaan ang Imperyong Otomano noong 1914, Kaharian ng Bulgarya't Italya noong 1915 at Rumanya pagsapit ng 1916. Bumagsak naman ang Imperyong Ruso noong 1917, at lumabas ang Rusya sa digmaan matapos ang Himagsikang Oktubre noong taon ding iyon. Matapos ang isang opensibang Aleman sa Bunsurang Kanluran noong 1918, pumasok ang Estados Unidos sa digmaan sa panig ng Alyadong Puwersa na naglunsad ng mga matatagumpay na opensiba laban sa Sandatahang Aleman. Pagsapit ng 11 Nobyembre ng taong iyon ay sumuko ang Alemanya, gayon din ang kanyang mga kaalyado.[7][8]
Sa pagtatapos ng digmaan ay apat ng kapangyarihang imperyal ang nalusaw: ang mga Imperyong Aleman, Ruso, Austro-Unggaryo at Otomano. Ganap na nagwakas ang huling dalawang imperyong nabanggit at umusbong naman muli sa labi ng Imperyong Ruso ang Unyong Sobyet, samantalang lumitaw naman sa Silangang Europa ang ilang mga bagong bansa. Nabuo ang Liga ng mga Bansa sa pag-asang mapipipilan nito ang anumang tunggaliang maaaring maganap sa mundo. Ang kinahinatnan ng digmaan, gaya ng mga probisyong itinadhana ng Tratado ng Versailles, ang mga nakalulunos na ibinunga ng Dakilang Kapanglawan, ang nasyonalismo sa Europa, at ang muling paglakas ng Alemanya ang siyang naging dahilan upang muling sumiklab ang isa pang pandaigdigang digmaan pagsapit nang 1939.[9][10][11]

Panuysuyan

Noong panahong rumaragasa ang digmaan at bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang digmaan ay kilala sa tawag na ang "Dakilang Digmaan" (Great War). Ilan pa sa mga kilalang katawagan ay "Ang Pandaigdigang Digmaan" (The World War), "Ang Digmaan upang Wakasan ang lahat ng mga Digmaan" (The War to End All Wars), "Ang Digmaang Kaiser" (The Kaiser War), "Ang Digmaan ng mga Nasyon" (The War of the Nations) at "Ang Digmaan sa Europa" (The War in Europe). Tinatawag naman ito bilang La Guerre du Droit (ang "Digmaan para sa Katarungan") o La Guerre Pour la Civilasation / de Oorlog tot de Beschaving (ang "Digmaan para Mapanatili ang Sibilisasyon") sa mga medalya at pang-alalang monumento sa Belhika't Pransya.
Ang kauna-unahang kilalang paggamit ng terminong Unang Pandaigdigang Digmaan ay mula sa isang biyolohiyo at pilosopong Aleman na si Ernst Haeckel na nagsabi noong Setyembre 1914, mga ilang araw matapos sumiklab ang digmaan:
"Walang alinlangan na ang takbo at katangian ng kinatakutang "Digmaang Europeo"... ang siyang magiging unang pandaigdigang digmaan sa kabuuang pandama ng salita"[12]
Ang terminong ito'y muling lumabas mula sa talaarawan Charles A. Repington, isang mamamahayag, noong mga araw na malapit nang magtapos ang digmaan:
Setyembre 10, 1918: "Pinag-usapan namin kung ano ang nararapat na ipangalan sa digmaan. Sinabi kong tawagin namin itong Ang Digmaan, subalit hindi ito tatagal. Ang Digmaang Napoleoniko ay Ang Dakilang Digmaan. Kung tatawagin namang Ang Digmaang Aleman, ito'y labis-labis na pakunwaring papuri para sa mga Boche. Iminungkahi kong ang Pandaigdigang Digmaan para mas mapaganda pa ang pangalan at sa bandang huli'y pinagkaisahan namin itong palitan at tawaging Ang Unang Pandaigdigang Digmaan nang sa gayo'y hindi malimutan ng susunod na salinlahi na ang kasaysayan ng mundo ay ang kasaysayan ng digmaan."[13]
Sa ngayon, ang terminong ginagamit para sa pangalan ng digmaan sa Gran Britanya at Kanada ay Unang Pandaigdigang Digmaan (First World War) samantalang Unang Digmaang Pandaigdig (World War I) naman ng mga Amerikano.

[baguhin] Mga Sanhi







ang HMS Dreadnought ng Sandatahang Pandagat ng Imperyong Briton

[baguhin] Paglakas ng Alemanya

Silipin din: Digmaang Prangko-Pruso
Noong 1870 ay sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Pransiya at ng Hilagang Kompederasyong Aleman na kinabibilangan ng Prusya, Baden, Bavaria at Württemberg. Sa digmaang ito'y nasakop ng Sandatahang Aleman sa pangunguna ng mga Pruso ang malaking bahagi ng Pransiya hanggang sa ang Paris ay bumagsak nang sumunod na taon. Sa kabila nito'y ipinagpatuloy ng Sandatahang Pranses ang pakikibaka hanggang sa tuluyang mapipilan at lagdaan ang Tratado ng Frankfurt. Dito nagwakas ang Ikalawang Imperyong Pranses na pinalitan ng Ikatlong Republikang Pranses. Samantala, itinatag naman ang Imperyong Aleman nang mapag-isa ang dating magkakahiwalay at maliliit na mga estadong Aleman sa ilalim ng pamumuno ng Prusya kung saan itinalagang emperador si Wilhelm II at si Otto von Bismarck bilang kansilyer. Napasa-kontrol ng bagong tatag na imperyo ang Alsace at Lorraine, mga teritoryong Pranses, ayon sa itinadhana ng kasunduan. Mula noo'y umunlad ng gayon na lamang ang ekonomiya't industriya ng Alemanya hanggang sa makipagpaligsahan ito sa Britanya sa pagpaparami't pagpapalakas ng sandatang pandagat lalo na nang ilunsad nitong huli ang HMS Dreadnought, isang makabagong uri ng barkong pandigma. Ang mga Pranses naman, sa kabilang banda, ay desidido na muling mabawi ang Alsace at Lorraine mula sa mga Aleman.[14][15]

[baguhin] Kaguluhan sa Rehiyong Balkan

Noon namang 1912 ay sumiklab ang isang digmaan sa Rehiyong Balkan nang salakayin ng Ligang Balkan na kinabibilangan ng Bulgarya, Gresya, Montenegro at Serbiya ang Imperyong Otomano na dating nakasasakop sa kanila. Sa isinagawang pagsalakay ay napasakamay ng liga ang mga nalalabing kolonya ng Imperyong Otomano sa Europa ngunit kalauna'y namuo ang sigalutan nang di magustuhan ng Bulgarya ang ginawang paghahati-hati ng liga sa mga teritoryo ng Masedonya. Noong 1913 ay sinalakay ng Bulgarya ang Gresya't Serbiya ngunit napipilan ng liga at maging ng Rumanya't Imperyong Otomano na nakialam sa sigalutan. Mula noo'y nabuo ang masamang pagtitinginan ng Bulgarya't Serbiya sa isa't isa. Nauna rito noong 1908 ay nakatunggali ng huli ang Austria-Unggarya hinggil sa pagsakop ng nasabing imperyo sa Bosnia at Herzegovina. Ang pangyayaring ito'y nagkapagpagalit man din sa Rusya na kaalyado at tagasuporta ng Serbiya samantalang nilayon ng huli ang kalayaan at pag-iisa ng mamamayang Slav na nasa ilalim ng pamamahala ng Austria-Unggarya. Ito'y itinuring ng Austria bilang banta sa katatagan ng kanyang imperyo.[16]

[baguhin] Mga alyansa

Dalawang taon matapos ang Digmaang Prangko-Pruso, isang alyansa sa pagitan ng Alemanya, Austria-Unggarya at Rusya ang itinatag sa pangunguna ng una, na tinaguriang Liga ng Tatlong Emperador, subalit hindi nagtagal nang mamuo ang alitan sa pagitan ng Austria-Unggarya at Rusya ukol sa usapin sa Rehiyong Balkan. Dahil dito, noong 1879 ay bumuo ng sariling alyansa ang Alemanya't Austria-Unggarya na tinaguriang Dalawahang Alyansa. Pagsapit naman ng 1882 ay sumali ang Italya sa alyansa. Magmula noong taon iyon, ang samahan ng Alemanya, Austria-Unggarya at Italya ay tinawag na Tatluhang Alyansa.[17]
Sa kabilang banda nang mabuwag ang Liga ng Tatlong Emperador, nakipag-alyansa ang Pransiya sa Rusya pagsapit nang 1894. Samantala, nabuklod naman ang una sa Britanya nang kapwa madama ng dalawang nasyon ang lumalaking kapangyarihan ng Alemanya. Noong 1904 ay limang kasunduan sa pagitan ng Britanya't Pransiya ang nilagdaan ukol sa kanila-kanilang impluwensya sa Hilagang Aprika. Nang sumunod na taon ay naganap ang Krisis ng Tangher, kung saan sinuportahan ng Alemanya ang kalayaan ng Moroko na noo'y protektorado ng Pransiya. Ang pangyayaring ito'y nagbunsod upang lalo pang magbuklod ang Britanya't Pransiya laban sa Alemanya. Noon namang 1907 ay nilagdaan ng Britanya't Rusya ang Kasunduang Anglo-Ruso na nagtapos sa usapin sa pagmamay-ari ng mga teritoryo ng dalawang nasyon sa Apganistan, Persya at Tibet. Dito nabuo ang pagsasama ng Britanya, Pransiya at Rusya na tinawag bilang Tatluhang Kasunduan.[18]





ang paghuli kay Gavrilo Princip matapos niyang barilin si Artsiduke Franz Fernando

[baguhin] Mga huling kaganapan tungo sa digmaan

Noong 28 Hunyo 1914 ay binaril ni Gavrilo Princip, isang estudyanteng Serbo-Bosniyan, si Artsiduke Franz Fernando, tagapagmana ng trono ng Austria-Unggarya at ang kanyang asawang si Sophie habang ang mga ito'y bumibisita sa Sarajevo, kabisera ng Bosnia. Naghain ng banta ang Austria-Unggarya laban sa Serbiya ukol sa nasabing pagpatay nang mapag-alamang si Princip ay kasapi ng isang kilusang naglalayon ng kalayaan ng mga mamamayang Slav na nasasakop ng imperyo. Nang di sagutin ng Serbiya ang lahat ng mga ipiniresentang hinaing ay nagdeklara ng pakikidigma ang Austria-Unggarya pagsapit ng 28 Hulyo.[19][20][21]
Samantala, dalawang araw makalipas ay iniutos ni Tsar Nikolas II ang bahagyang paghahanda ng Sandatahang Ruso. Sinagot ito ng pakikidigma ng Alemanya laban sa Rusya noong 1 Agosto at noong 3 Agosto laban sa Pransiya. Nang umapela ang mga Belhikano ng tulong at suporta, naghain naman ng banta ang Britanya laban sa Alemanya hinggil sa pagdaan ng sandatahan nito sa Belhika upang sakupin ang Pransiya at pagsapit ng 4 Agosto'y nagdeklara na rin ng pakikidigma. Ang mga pangyayari ito ang nagbunsod sa pagsabog ng Unang Digmaang Pandaigdig.[22][23]

[baguhin] Kronolohiya






ang mga nasyong sangkot sa Unang Digmaang Pandaigdig: lunti - Alyadong Puwersa at, dilaw - Puwersang Sentral
Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay nagsimula noong 28 Hulyo, 1914 at nagtapos noong 11 Nobyembre, 1918 nang ipag-utos ang tigil-putukan samantalang isa namang kasunduang pangkapayapaan ang nilagdaan sa Versailles, Pransiya noong 28 Hunyo, 1919.[24]

[baguhin] Mga Unang Sagupaan

[baguhin] 'Di pagkakaunawaan sa pagitan ng Alemanya at Austria-Unggarya

Noon pa man ay nangako na ng suporta ang Alemanya sa Austria-Unggarya ukol sa pagsakop nitong huli sa Serbiya. Sang-ayon sa suportang nabanggit, inakala ng mga pinunong Austro-Unggaro na ipagtatanggol ng Alemanya ang kanilang imperyo laban sa Rusya samantalang sinasalakay nila ang Serbiya. Sa kabilang banda naman, inasahan ng Alemanya na ibubuhos ng Austria-Unggarya ang malaking bahagi ng lakas nito laban sa Rusya samantalang sinasalakay niya ang Pransiya. Bunga ng 'di pagkakaunawaan, napilitan ang Austria-Unggarya na hatiing mabuti ang puwersa nito laban sa Rusya at Serbiya.[25]





mga Sundalong Portuges na papuntang Anggola

[baguhin] Digmaan sa Aprika


Noong 7 Agosto ay sinalakay ng pinagsamang Sandatahang Briton-Pranses and Togoland na isang protektorado ng Alemanya. Tatlong araw makalipas, gumanti naman ang mga Aleman nang salakayin nila ang Timog Aprika mula Timog-Kanlurang Aprika. Pinangunahan naman ni Koronel Paul Emil von Lettow-Vorbeck sa pakikidigmang gerilya ang Sandatahang Aleman na nakabase sa Silangang Alemang Aprika hanggang sa siya'y sumuko dalawang linggo matapos ang maipatupad ang tigil-putukan sa Europa.[26]

[baguhin] Kampanya sa Serbiya


Sinalakay ng Sandatahang Austro-Unggaro ang Serbiya ngunit napipilan nang maipanalo ng huli ang Labanan ng Cer noong 12 Agosto. Sinakop naman ng Sandatahang Serbo ang ilang depensibang posisyon sa timog ng mga ilog ng Drina at Sava. Makalipas ang dalawa pang linggo, naitaboy pabalik ang Sandatahang Austro-Unggaro na nakapagtamo ng matitinding pagkatalo. Muling umatake ang Austria ngunit napipilan sa Labanan ng Kolubara noong 16 Nobyembre hanggang 15 Disyembre at ang Belgrade, kabisera ng Serbiya, na noo'y nasakop na ng Austria-Unggarya ay muling nabawi ng Sandatahang Serbo. Ang mga labanang ito ang kauna-unahang pangunahing pagkapanalo na natamo ng Alyadong Puwersa sa digmaan na bumigo sa anumang hangarin ng Austria-Unggarya na masakop nang mabilisan ang Serbiya. Bunga nito, kinailangan ng Austria-Unggarya na palakasin ang kanyang puwersa laban sa Serbiya, na nagpahina naman ng kanyang kampanya laban sa Rusya.[27][28]





ang Bunsurang Kanluran, 1914

[baguhin] Sandatahang Aleman sa Belhika't Pransiya


Sang-ayon sa Planong Schlieffen (isang taktika upang talunin ng mabilisan ang Pransiya), sinalakay ng Sandatahang Aleman ang Pransiya mula Belhika sa layuning masakop ang Paris at mapalibutan ang malaking kabuuan ng Sandatahang Pranses. Kanilang napanalunan ang Labanan ng mga Hangganan (14-24 Agosto) ngunit napipilan sa Unang Labanan ng Marne (5-12 Setyembre) ng pinagsamang Sandatahang Briton-Pranses bago pa man nila marating ang Paris. Samantala, nauna rito, bilang ganti ay naglunsad ng opensiba ang Sandatahang Pranses laban sa mga Aleman noong 7 Agosto na nakapagtamo lamang ng limitadong tagumpay.[29]

[baguhin] Bakbakan sa Silangang Prusya at Galisya


Nagawa naman ng Sandatahang Aleman na pigilan ang anumang tangkang pananakop ng Sandatahang Ruso nang talunin nila ang mga ito sa mga Labanan ng Tannenberg at Masuryanong Lawa na naganap sa pagitan ng 17 Agosto hanggang 2 Setyembre. Samantala, bigo namang mapigilan ng Sandatahang Austro-Unggaro ang pag-usad ng Sandatahang Ruso papasok ng Galisya. Dahil naman sa banta ng Sandatahang Briton-Pranses sa kanluran at Sandatahang Ruso sa silangan, nawala ang anumang adhikain ng Alemanya na maipanalo agad ang digmaan sa lalong madaling panahon.[30]





mga sundalong Ruso sa Labanan ng Sarikamish, Caucasus

[baguhin] Ang pagpasok ng Imperyong Otomano sa digmaan

Lingid sa kaalaman ng Alyadong Puwersa, nagkaroon ng lihim na kasunduan sa isa't isa ang Alemanya't Imperyong Otomano noong Agosto 1914. Hindi nagtagal ay lumahok ang nasabing imperyo sa digmaan na nagbigay banta sa kalagayan ng Serbiya, Kanal Suez at Bulubunduking Caucasus. Pagsapit ng Disyembre nang taon ding iyon ay naglunsad si Enver Pasha, pinunong Otomano, ng isang opensibang binubuo ng 100 000 sundalo upang sakupin ang Gitnang Asya mula sa Bulubunduking Caucasus ngunit sa kasamaang palad ay nabigo nang maglaban ang Sandatahang Ruso sa Labanan ng Sarikamish. Nagbunga ito ng malaking pagkatalo sa Imperyong Otomano kung saan 86% ng mga sundalo nito ang nalagas.[31]

[baguhin] Digmaan sa Malayong Silangan


Sa kabilang panig naman ng mundo, sinalakay ng Bagong Selanda ang Alemang Samoa noong 30 Agosto. Nang sumunod na buwan, sinalakay naman ng Australya ang Alemang Bagong Ginea noong 11 Setyembre. Sinakop naman ng Hapon ang Kapuluang Mikronesya na isa ring kolonya ng Alemanya. Matapos ang Pagkubkob sa Tsingtao, nasakop ng Sandatahang Hapon ang Daungan ng Qingdao, isa ring teritoryong Aleman, sa Tangway ng Shandong, Tsina. Sa pagtatapos ng 1914, nasakop nang lahat ng Alyadong Puwersa ang lahat ng teritoryo ng Alemanya sa Asya't Pasipiko liban na lamang sa mga iilang lugar sa Bagong Ginea.[32]

[baguhin] Digmaan sa Dagat







ang Plotang Alemang Silangang Asya sa Tsile, 1914
Bago pa man nagsimula ang digmaan, mayroon ng mga krusero (isang uri ng barkong pandigma) ang Alemanya na nakakalat sa buong mundo na nagsasagawa ng mga pag-atake sa mga barkong pangalakal ng Alyadong Puwersa. Nang sumiklab ang digmaan, sinimulan ng Maharlikang Hukbong Dagat ng Imperyong Briton ang pagtugis sa mga kruserong ito. Sa kabilang banda, isang kruserong Aleman na nagngangalang SMS Emden ang nakapagpalubog ng isang kruserong Ruso, isang distroyer ng mga Pranses at iba pang 15 barkong pangalakal ng Alyadong Puwersa. Nagsagupa ang dalawang hukbong pandagat sa Labanan ng Coronel malapit sa Tsile noong 1 Nobyembre 1914 matapos matunton ng Maharlikang Hukbong Dagat ang plotang Aleman na pabalik sanang Alemanya mula Asya. Nagawang manalo ng mga Aleman sa nasabing labanan kung saan dalawang krusero ng mga Briton ang nawasak. Ngunit makalipas ang mahigit isang buwan, pagsapit ng 8 Disyembre ay halos nawasak naman ang Plotang Aleman nang muling makasagupa nito ang plotang Briton sa Labanan ng mga Pulo ng Falklands. Iisa na lamang krusero ang natira sa panig ng plotang Aleman, ang SMS Dresden na nagawang makatakas patungong Más a Tierra, isang pulo ng Tsile, kung saan ito napalibutan at nawasak ng Plotang Briton noong 14 Marso 1915. Sa nangyaring ito sa SMS Dresden, tuluyan nang nawasak ang Plotang Alemang Silangang Asya.[33]
'Di nagtagal, nagsagawa ng panggigipit ang Maharlikang Hukbong Dagat laban sa mga barkong pangalakal at pandigma ng Alemanya upang putulin ang suplay ng pagkain, produkto, armas at amunisyon ng nasabing nasyon. Sinagot ito ng Alemanya sa paglulunsad ng mga U-boat, isang uri ng submarino, upang palubugin ang kapwa barkong pandigma't pangalakal ng Imperyong Briton nang sa gayo'y maputol din ang pagpasok ng suplay ng pagkain at armas sa nasabing imperyo. Nagdulot ng taggutom ang nasabing panggigipit sa Alemanya pagsapit ng 1916 samantalang kapwa naman nagtanim ng mga mina ang Plotang Aleman at Briton sa mga katubigang kanilang nasasakupan bilang pananggalang sa anumang tangkang pananalakay ng magkabilang panig. Nagdulot ito ng panganib di lamang sa mga barko ng naglalabang bansa kundi maging sa mga barkong nyutral na bumabagtas sa katubigang pinaglalaban.[34][35]





ang pagpapasabog sa RMS Lusitania, 1915
Noon 7 Mayo 1915, isang pampasaherong barko ng Britanya, ang RMS Lusitania, na nagdadala ng 1 959 katao at ilang armas ang lumubog matapos tamaan ng torpido mula sa SM U-20, isang U-boat. 1 198 pasahero ng nasabing barko ang namatay sa nasabing pag-atake. Nagprotesta ang Estados Unidos laban sa pagpapalubog ng RMS Lusitania sapagkat 128 sa mga pasaherong namatay ay mga Amerikano. Nangako naman ang Alemanya na hindi na muling magsasagawa ng anumang pag-atake ang kanyang mga U-boat laban sa mga pampasaherong barko.[36]
Noon namang 31 Mayo hanggang 1 Hunyo 1916 nagsagupa ang kapwa naglalakihang barkong pandigma ng Alemanya't Britanya sa Labanan ng Jutland malapit sa Dinamarka. Itinuturing ito bilang isa sa mga malalaking sagupaan sa dagat na naganap sa kasaysayan. Ang labanan na pinangunahan nina Bise Almirante Reinhard Scheer ng Plotang Aleman at Almirante Sir John Jellicoe ng Plotang Briton ay nakapagdulot ng malaking pinsala sa panig ng mga Briton bagaman nagawa nilang mapanatili ang dominansya sa Dagat Hilaga hanggang sa katapus-tapusan ng digmaan.[37]
Bunga ng matamlay ng kampanya ng mga U-boat, nagpasya ang Kaiserliche Marino noong 31 Enero 1917 na maglunsad ng malayang pakikidigmang pangsubmarino. Dahil dito, napakaraming bilang ng barkong pag-aari ng Alyadong Puwersa ang napalubog hanggang sa ipatupad ng Britanya ang Sistemang Komboy na nakabawas sa banta ng mga U-boat pagsapit ng Mayo. Sa sistemang ito sinamahan at binatayan ng mga barkong pandigma pangunahin na ng mga distroyer ang paglalakbay ng mga barkong pangalakal at pampasahero. Sa kabuuan ay halos 5 000 barko ng Alyadong Puwersa ang napalubog noong digmaan katumbas ng 178 submarino ng mga Aleman.[38][39][40]

[baguhin] 1915-16: Mga Kaganapan






ang Bunsurang Kanluran, 1915-16

[baguhin] Pakikidigmang pambambang sa Bunsurang Kanluran


Naging malaking hadlang para sa pag-abante ng impanterya ang alambreng bakod, masinggan at artilerya bunga ng pag-unlad ng teknolohiya at pagpapairal ng iba't ibang taktikang militar. Noon umiral sa Bunsurang Kanluran ang pakikidigmang pambambang na higit pang nakapagpabagal sa pag-abante ng mga sundalo. Sa pakikidigmang ito naglalaban ang magkabilang panig mula sa magkakaharap na bambang o hukay. Ang mga bambang na ito ay maaaring umusad o umurong batay sa pagkapanalo o pagkatalo ng alinman sa naglalabang panig. Matapos mapipilan ang Sandatahang Aleman sa Unang Labanan ng Marne, nagsimulang makita sa pook ng mga labanan ang linya ng bambang na bumabagtas sa buong kahabaan ng Bunsurang Kanluran mula sa dalampasigan ng Belhika, sa gawing hilagang-kanluran, hanggang sa may hangganan ng Suwisa sa gawing timog-silangan.[41]





mga Sundalo ng Bagong Selanda sa isang bambang, Setyembre 1916
Sa kauna-unahang pagkakataon ay gumamit ng nakalalasong gas na nagtataglay ng klorin ang Sandatahang Aleman (bilang pagsuway sa Kumbensyong Hague) sa Ikalawang Labanan ng Ypres noong 22 Abril 1915. Ang epekto ng nakalalasong gas ay nakalulunos sapagkat nagdudulot ito ng masakit at mabagal na pagkamatay, kaya't naging isa ito sa mga kinatatakutang sandata ng digmaan.[42]
Mula naman 21 Pebrero hanggang 18 Disyembre 1916 ay naglunsad ang Alemanya sa pangunguna ni Heneral Erich von Falkenhayn ng isang malawakang opensiba laban sa posisyon ng Alyadong Puwersa sa Verdun. Ito ang pinakamahabang labanan na naganap sa kasaysayan ng digmaan kung saan 306 000 sundalo ang namatay sa pagtatapos nito.[43]
Habang rumaragasa ang bakbakan sa Verdun, naglunsad naman ng sariling pag-atake ang Sandatahang Briton sa pangunguna ni Douglas Haig noong 1 Hulyo sa kahabaan ng Ilog Somme laban sa posisyon ng mga Aleman roon. Tinatayang 19 240 Briton ang nasawi sa unang araw pa lamang ng labanan. Matapos ang limang buwang bakbakan, nakaabante ang Sandatahang Briton ng may 8 kilometro (5 milya) lamang. [44]





ang Bunsurang Silangan, Marso 1916

[baguhin] Ang Bunsurang Silangan at ang pagpasok ng Rumanya sa digmaan


Kung napipilan ang pag-abante ng Sandatahang Aleman sa Pransiya, kabaligtaran naman ito sa nangyari sa Rusya. Matapos ang kanilang tagumpay sa mga Labanan ng Tannenberg at mga Lawa ng Masurian noong Agosto-Setyembre 1914, nagsimulang umabante papasok ng Rusya ang Sandatahang Aleman. Sa pagtatapos ng 1915, matapos ang sunod-sunod na opensibang isinagawa ng pinagsamang sandatahan ng mga Aleman at Austro-Unggaro sa tagsibol at tag-init nang taong iyon, napaatras na ang Sandatahang Ruso palabas ng Galisya at Polonya kasabay ng pagbagsak ng kabiserang nitong huli, ang Warsaw, noong 5 Agosto.[45]





mga sundalong Ruso habang nagmamartsa patungong labanan
Nang sumunod na taon ay naglunsad ang Sandatahang Ruso ng isang opensiba sa pamumuno ni Heneral Aleksei Brusilov. Mula Hunyo hanggang Setyembre 1916, sumalakay ang Sandatahang Ruso sa kahabaan ng Galisya at kanilang napaatras ang Puwersang Sentral.[46]
Samantalang naglalagablab ang bakbakan sa Galisya, pumasok ang Rumanya sa digmaan sa panig ng Alyadong Puwersa noong 27 Agosto at sumalakay sa Transilbanya.[47][48]





bakbakan sa Bunsurang Rumano
Noon pa man ay nasa panig na ng Puwersang Sentral ang Rumanya subalit nanatiling nyutral nang magsimula ang digmaan sa Europa. Nang mapangakuan ang bansa ng teritoryo sa Silangang Austria-Unggarya, gaya ng Transilbanya at Banat na may malaking populasyong Rumano, sakaling manalo ang Alyadong Puwersa sa digmaan, nagdeklara ang bansa ng pakikidigma laban sa Puwersang Sentral at matagumpay namang nasakop ang malaking bahagi ng Transilbanya. Subalit nang maglunsad ang Puwersang Sentral ng kontra-opensiba mula Austria-Unggarya at Bulgarya (na pumasok sa digmaan noon pang 15 Oktubre 1915 laban sa Serbiya) sa pagsisimula ng 18 Setyembre, nalagay sa panganib ang Rumanya. Nagpadala ng tulong ang Rusya ngunit nagpatuloy ang pag-abante ng Puwersang Sentral hanggang sa napaatras ang kapwa Sandatahang Rumano't Ruso papuntang Moldabya. Ang Bukarest na siyang kabisera ng Rumanya ay bumagsak sa pinagsama-samang sandatahang Aleman, Austro-Unggaro at Bulgaro pagsapit ng 6 Disyembre.[49][50]
Sa Moldabya muling nag-ipon ng lakas ang Sandatahang Rumano upang pigilan ang anumang pag-abante na isasagawa ng Puwersang Sentral samantalang nagpadala naman ng karagdagang tropa ang Rusya sa nasabing lugar upang mapigilan man din ang anumang tangkang pananakop ng Puwersang Sentral sa Timog-Kanlurang Rusya.[51][52]





Kampanya sa Serbiya, Setyembre-Disyembre 1914

[baguhin] Mga opensiba sa Rehiyong Balkan at ang pagpasok ng Bulgarya, Montenegro at Gresya sa digmaan


Noong 15 Oktubre 1915 ay pumasok ang Bulgarya sa digmaan sa panig ng Puwersang Sentral. Matapos namang makaranas ng matitinding pagkatalo noong 1914, muling umatake mula hilaga ang Austria-Unggarya sa tulong ng Alemanya laban sa Serbiya. Makalipas ang ilang araw ay naglunsad na rin ng pag-atake ang Bulgarya mula silangan. Napaatras ng pinagsama-samang lakas ng Puwersang Sentral ang Sandatahang Serbo patungong Albanya matapos ang Operasyong Opensibang Kosovo. Pumasok naman ang Montenegro, sa panig ng Alyadong Puwersa, sa digmaan at hinarangan ang pag-abante ng Puwersang Sentral sa Labanan ng Mojkovac noong 6-7 Enero 1916 habang umaatras ang Sandatahang Serbo patungong Albanya. Pansamantalang napipilan ang Puwersang Sentral subalit itinuloy nito ang opensiba hanggang sa masakop ang Montenegro noong 25 Enero nang taon ding iyon.[53]





ang pag-atras ng Sandatahang Serbo patungong Albanya
Samantalang nasa Albanya, sinundo naman ng mga barko ng Alyadong Puwersa ang Sandatahang Serbo at itinakas patungo sa iba't ibang pulo ng Gresya pangunahin na sa Corfu. Sa mga pulong iyon muling nagpalakas ang Sandatahang Serbo samantalang lumunsad naman sa Salonica, Gresya ang Sandatahang Briton-Pranses. Kalauna'y sumunod na lumunsad ang Sandatahang Serbo sa Salonica, sa tulong ng mga Pranses, at kaagad na nakipagtulungan sa Alyadong Puwersa.[54]
Sinikap naman ng Alyadong Puwersa ang pamahalaang Griyego na umanib sa kanila, gayundin ang Puwersang Sentral sa kabilang banda, subalit nagkaroon ng di pagkakaunawaan sa Gresya sapagkat ang hari nito na si Konstantino I ay maka-Aleman, samantalang ang punong ministro nito na si Eleftherios Venizelos ay maka-Briton. Sa pangyayaring ito'y natagalan ang minimithing tulong mula Gresya ng kapwa magkalabang puwersa.[55]
Sa taong 1916 nagsimulang mabuo ang Bunsurang Masedonyo na bumabagtas mula silangang Masedonya hanggang Dagat Adriyatiko sa kanluran. Kapwa nagsagawa ng kani-kanilang opensiba ang magkabilang panig hanggang sa napapayag ng Alyadong Puwersa ang Gresya (na noo'y napasailalim na sa pamamahala ni Eleftherios Venizelos matapos umalis ng bansa si Konstantino I) na umanib sa kanila pagsapit ng Disyembre 1917. Sa kabilang dako ay halos hindi na gumalaw ang Bunsurang Masedonyo hanggang sa maglunsad ng opensiba ang Alyadong Puwersa noong Setyembre 1918.[56]

[baguhin] Mga sagupaan sa Gitnang Silangan


Naglunsad ng kampanya ang pinagsama-samang sandatahan ng Britanya, Pransiya, Australya, Bagong Selanda, Kanada at Indiya laban sa Imperyong Otomano noong 25 Abril 1915 hanggang 9 Enero 1916 sa Tangway ng Gallipoli. Nilayon ng nasabing kampanya na patuloy na makapagpadala ng suplay ng amunisyon sa Rusya bilang tulong subalit nabigo. Muling nakapagtamo nang panalo ang Sandatahang Otomano nang mapalibutan at mapasuko nila noong 29 Abril 1916 ang Sandatahang Briton-Indiyan sa Pagkubkob sa Kut matapos ang mahigit apat na buwang sagupaan. Sa kabilang banda, matagumpay namang naitaboy ng Sandatahang Ruso sa pangunguna ni Heneral Nikolai Yudenich ang Sandatahang Otomano palabas ng Timog Caucasus mula 1915 hanggang 1916.[57]
Sa tulong ng mga Briton, sumiklab ang Himagsikang Arabo laban sa Imperyong Otomano noong Hunyo 1916 sa pangunguna ni Sherif Hussein. Matapos ang matagumpay na Labanan ng Mecca, kinubkob naman ng pinagsamang Sandatahang Arabo-Briton ang Medina na noo'y nasa pamamahala ni Fakhri Pasha. Tumagal ang pangungubkob hanggang Enero 1919 sa kabila ng pagtatapos ng digmaan sa Europa.[58]
Naglunsad naman ng kampanyang gerilyo ang Tribong Senussi, sa tulong ng Imperyong Otomano, sa kahabaan ng hangganan ng Ehipto't Libya noong 19 Nobyembre 1915. Napilitan ang mga Briton na magpadala ng kaukulang puwersa hanggang sa masupil ang nasabing rebelyon makalipas ang mahigit isang taon.[59]





ang Bunsurang Italyano, 1915-17

[baguhin] Ang pagpasok ng Italya sa digmaan


Ang Italya'y tumangging makilahok nang magsimula ang digmaan. Bagaman kasapi sa Tatluhang Alyansa, nagkaroon naman ang bansa ng isang lihim na kasunduan sa pagitan ng Pransiya noong 1902. Nagtapos ang Tatluhang Alyansa nang umanib ang bansa sa Alyadong Puwersa matapos mapangakuan ng ilang teritoryo sa Austria-Unggarya sakaling manalo ang puwersang nabanggit. Ito'y pinagtibay sa Tratado ng London at nang sumalakay ang Alyadong Puwersa sa Gallipoli, nagdeklara ng pakikidigma ang Italya laban sa Austria-Unggarya noong 23 Mayo 1915. Makalipas ang isa pang taon at tatlong buwan, nagdeklara na rin ito ng pakikidigma laban sa Alemanya.[60]





mga Sundalong Italyano habang lumalaban sa Ilog Isonzo
Malakas ang Sandatahang Italyano subalit nahirapan ito sa pakikihamok pangunahin na sa topograpiya ng mga lugar na pinaglalabanan at dahil na rin sa mga taktikang kanilang pinairal. Isang halimbawa nito ay ang plano ni Luigi Cadorna, isang pinunong Italyano, na naglayong umabante sa talampas ng Islobenya, makuha ang kabisera nitong Ljubljana at makapagbanta ng pananakop sa Vienna na hindi tatapat sa sistema ng makabagong digmaan na gumagamit ng alambreng bakod, masinggan at malalakas na artilerya.
Naglunsad ng 11 opensiba ang Sandatahang Italyano laban sa mga Austro-Unggarong nagkakampo sa kahabaan Ilog Isonzo subalit lahat ay nabigo. Bilang ganti, naglunsad naman ng kontra-opensiba ang Austria-Unggarya sa Asiago patungo ng Verona at Padua bagaman nakapagtamo lamang ng maliit na pag-abante noong tagsibol ng 1916. Pagsapit ng tag-init, sinakop naman ng Sandatahang Italyano ang Gorizia. Hanggang sa 1917, ang Bunsurang Italyano ay hindi man lamang umusad sa kabila ng mga isinasagawang opensiba ng magkabilang panig.[61]

[baguhin] Mungkahing kasunduang pangkapayapaan ng Puwersang Sentral

Matapos ang Labanan ng Verdun at ang matagumpay na pagsakop sa Rumanya noong Disyembre 1916, nagpanukala ng isang kasunduang pangkapayapaan ang Puwersang Sentral sa Alyadong Puwersa. Sinubukan ni Pang. Woodrow Wilson ng Estados Unidos na maging tagapamagitan at humingi ng sulat mula sa magkabilang panig hinggil sa kani-kanilang mga hinaing. Itinuring naman ito ng gabinete ni David Lloyd George ng Italya bilang paraan ng Alemanya upang paghiwa-hiwalayin ang Alyadong Puwersa. Ngunit nang lumaon ay napapayag din ang Alyado. Kapwa naghain ng kani-kanilang mga hinaing ang magkabilang panig, datapwat bunga ng pag-aalinlangan at kawalan ng tiwala ay nabigo ang negosasyon.[62]





mga Sundalong Kanadyano sa Labanan ng Tagaytay ng Vimy,1917

[baguhin] 1917: Ang pagpapatuloy ng digmaan

[baguhin] Bunsurang Kanluran, 1917

Noong 3 Mayo 1917, sumiklab ang ilang serye ng pag-aalsa sa panig ng mga Sundalong Pranses sa kasagsagan ng Opensibang Nivelle bunga ng sunod-sunod na pagkatalo sa kamay ng mga Aleman. Naapektuhan nito ang may 54 dibisyon ng kanilang sandatahan subalit kalaunan, matapos mahimok ang ang sundalo na bumalik sa kani-kanilang mga bambang at kasabay na rin ng malawakang pag-aresto't paglilitis ay napipilan ang paglala ng mga pag-aalsa. Pinalitan ni Philippe Pétain si Robert Nivelle bilang komandante ng Sandatahang Pranses. at kaagad iniutos ng una ang pagsususpindi sa lahat ng mga madudugong opensibang maaaring isagawa ng kanyang sandatahan.[63][64]
Naiwan sa Sandatahang Briton at ng kanyang imperyo ang paglulunsad ng mga opensiba bunga ng pagkalugami ng Sandatahang Pranses. Matagumpay naman ang mga Briton sapagkat kanilang napanalunan ang mga labanan ng Arras at Tagaytay ng Vimy.[65][66]





pagpupulong sa Konggreso ng Amerika hinggil sa pagputol ng pakikipag-ugnayan ng bansa sa Alemanya, 1917

[baguhin] Ang pagpasok ng Estados Unidos sa digmaan

Pormal na nagdeklara ng di-pakikialam ang Estados Unidos sa pagsisimula ng digmaan sa Europa. Subalit noong 1916 ay nagbanta ang bansa laban sa Alemanya nang palubugin ng isa sa mga submarino nito ang RMS Lusitania, isang pampasaherong barko, na ikinasawi ng may 128 Amerikano. Itinigil naman ng Alemanya ang pagpapalubog sa mga nasabing uri ng barko subalit pagsapit nang Enero 17, sa layong lumpuhin ang ekonomiya ng Gran Britanya, ay muling nanalakay ng walang pakundangan ang mga submarino nito.[67]
Nang taon ding iyon naharang sa Gran Britanya ang Telegramang Zimmerman buhat sa Berlin na naglalayong himukin ang mga Mehikano na umanib sa mga Aleman at magdeklara ng pakikidigma laban sa Estados Unidos. Magpapadala ng tulong pinansyal at militar ang Alemanya sa mga Mehikano upang mabawi nila Arisona, Bagong Mehiko at Teksas na dating mga teritoryo ng Mehiko. Inilabas naman sa publiko ang nasabing telegrama at nakita ito ng mga Amerikano bilang isang dahilan para sa digmaan. Matapos namang palubugin ng mga submarinong Aleman ang may pitong barkong pangalakal ng mga Amerikano, pormal na nagdeklara ang Estados Unidos ng pakikidigma noong 6 Abril 1917 at nagsimulang magpadala ng tulong sa Gran Britanya't Pransiya.[68][69]

[baguhin] Himagsikan sa Rusya

Nawalan ng saysay ang tagumpay na nakamit ng Opensibang Brusilov noong Hunyo 1916 nang mawalan rin ng interes ang iba pang heneral na suportahan ang mga nakamit ng nasabing opensiba. Muling sumigla ang kampanya ng Sandatahang Ruso nang pumasok ang Rumanya sa digmaan noong 27 Agosto nang taon ding iyon. Sumaklolo naman ang Alemanya at nagpadala ng tulong sa Austria-Unggarya hanggang sa bumagsak sa kamay ng Puwersang Sentral ang Bukarest na siyang kabisera ng Rumanya noong 6 Disyembre. Bunga ng sunod-sunod na pagkatalo ay napilitang sumama sa pakikidigma si Tsar Nikolas II. Naiwan sa kanyang asawa, si Emperatris Alexandra at sa paborito nitong si Rasputin, isang monghe, ang trono. Bunga ng 'di epektibong pamamahala ni Emperatris Alexandra, lumaganap ang protesta laban sa monarkiya samantalang pinatay naman si Rasputin sa pagtatapos ng 1916.[70]
Noong Marso 1917, bunga ng sunod-sunod na demontrasyon sa Petrograd at tensyon sa pamahalaang Ruso, napilitang bumaba sa trono si Tsar Nikolas II. Hinalinhinan siya ng Pamahalaang Probisyunal na naglunsad ng mga panibagong opensiba subalit sa kabila nito'y nagpatuloy ang panghihina ng sandatahang-lakas at ng ekonomiya ng bansa.[71]
Samantala, unti-unting nawalan ng tiwala at suporta ang taumbayan sa Pamahalaang Probisyunal at sa digmaan. Noon umusbong ang mga Bolshevik, sa pangunguna ni Vladimir Lenin, na nangakong ng pagkawala ng bansa sa digmaan. Nakuha ng mga Bolshevik ang pamamahala matapus ang Himagsikang Oktubre at sinimulan nitong lumagda ng armistisyo sa Alemanya pagsapit ng Disyembre kasabay ng pagsiklab sa isang digmaang-sibil sa pagitan ng mga Bolshevik at ng mga kontra-komunista. Nang sumunod na taon, noon 3 Marso, ay muling lumagda ang mga Bolshevik sa Tratado ng Brest-Litovsk kung saan ibinigay nito sa Alemanya ang ilang malalaking teritoryo sa Kanlurang Rusya gaya ng Pinlandiya, Ukraniya at mga estadong Baltik.[72]
Ang paglabas ng Rusya sa digmaan ay naging hudyat din ng pagwawakas ng Tatluhang Kasunduan. Ang malaking bilang ng mga sundalong Aleman na nakatalaga sa Bunsurang Silangan ay inilipat mula roon papuntang Bunsurang Kanluran. Sa kabilang banda nama'y naglunsad ng operasyon ang Alyadong Puwersa sa Rusya upang pigilan ang pag-abante ng Sandatahang Aleman sa mga teritoryong Ruso at upang tulungan na rin ang mga kontra-komunista sa digmaang sibil sa Rusya.[73]





mga Sundalong Austro-Unggaro

[baguhin] Mga labanan sa Italya't Imperyong Otomano

Nagsagupa ang Sandatahang Italyano at pinagsamang lakas ng mga Alemanya't Austria-Unggarya sa Labanan ng Caporetto noong Oktubre 24 hanggang 19 Nobyembre 1917. Sa labanang ito napaatras ng Puwersang Sentral ang mga Italyano na nakapagtamo ng matinding pinsala. Bunga nito'y nagpatupad ang pamahalaang Italyano ng boluntaryong pakikilahok sa digmaan ng lahat ng mga kalalakihang 18 gulang pataas.[74][75]





ang pagsuko ng Herusalem sa Sandatahang Briton
Naantala naman sa Bulubunduking Caucasus ang operasyon ng Sandatahang Ruso nang sumiklab ang Himagsikan sa Rusya. Nang makuha na ng mga Bolshevik ang pamamahala sa Rusya, tuluyan nang napabayaan ang kampanya ng bansa laban sa mga Otomano. Dahil dito, nagpasya ang mga Armenyo sa pamumuno ni Heneral Tovmas Nazarbekian na ipagpatuloy ang nasimulan ng mga Ruso. 'Di nagtagal ay nagkaroon na ng ganap na kalayaan ang Armenya, gayundin ang Aserbayan at Heyorhiya ngunit lahat ay nalagay sa bantang pananakop ng mga Otomano. Nagsagawa ng kontra-opensiba ang mga Armenyo at kanilang tinalo ang Sandatahang Otomano sa Labanan ng Sardarabad noong 21-29 Mayo 1918 hanggang sa lagdaan ang Tratado ng Batum nang sumunod na buwan sa pagitan ng dalawang nasyon.[76]
Samantala sa Gitnang Silangan, bilang ganti sa mapaminsalang Pagkukob sa Kut, naglunsad ang Imperyong Briton ng isang opensibang sumakop sa Baghdad noong Marso 1917. Sa timog nama'y naging matagumpay ang kampanya ng Alyadong Puwersa sa Sinai at Palestina hanggang sa bumagsak ang depensang Otomano sa Herusalem sa pagtatapos ng taon.[77]

[baguhin] Mungkahing kapayapaan ng Austria

Noong 1917, lingid sa kaalaman ng mga Aleman, lihim na nang-alok ng kasunduang pangkapayapaan si Emperador Carlos I ng Austria kay Punong Ministro Georges Clemenceau ng Pransiya. Ngunit nabigo ang nasabing negosasyon, at kaagad na nalantad ito sa mga Aleman, na nagdulot naman ng lamat sa relasyon ng Alemanya't Austria-Unggarya.[78][79]





ang Opensibang Tagsibol, Marso-Hulyo 1918

[baguhin] 1918: Ang huling taon ng digmaan

[baguhin] Ang Opensibang Tagsibol


Nilayon ng mga Aleman sa pangunguna ni Heneral Erich Ludendorff na makapagdulot ng matinding pinsala sa Sandatahang Briton-Pranses bago pa man dumating ang mga kaalyado nilang Amerikano. Naglunsad nang opensiba ang mga Aleman mula 21 Marso 1918 at inatake ang mga Briton malapit sa Amiens. Kanilang napasok ng gayon na lamang ang mga bambang ng Alyadong Puwersa gamit ang mga taktikang paglagos at tuluyang nakaabante ng mahigit 60 kilometro (38 mi).[80]
Umusad ang bunsuran ng may 120 kilometro (75 mi) papuntang Paris. Pinaputakan ng Sandatahang Aleman gamit ng kanilang mga naglalakihang kanyong dambakal ang kabisera, na nagdulot upang lumikas ang napakaraming sibilyan palayo ng nasabing lungsod. Naging matagumpay ang simula ng naturang opensiba kaya't idineklara ni Kaiser Wilhelm II ang 24 Marso bilang isang pambansang araw ng pagdiriwang. Muling naglunsad ng isa pang opensiba, ang Opensibang Georgette, ang mga Aleman noong 7 Abril laban sa mga daungan sa Lagusang Inggles. Inilunsad naman sa timog ang Operasyong Blücher at Yorck noong 27 Mayo papuntang Paris at Operasyong Marne noong 15 Hunyo na naglayong mapalibutan ang Reims.[81]
Ngunit matapos ang serye ng mga operasyong nabanggit, bigong makamit ng mga Aleman ang kanilang layunin. Nanatili pa ring epektibo sa pakikihamok ang Alyadong Puwersa na lumakas pa nang dumating na ang mga Amerikano. Sa pagtatapos ng Opensibang Tagsibol noong 18 Hulyo, mahigit 270 000 sundalo ang nalagas sa panig ng mga Aleman.[82]





mga huling opensiba, Agosto-Nobyembre 1918

[baguhin] Ang pagwawagi ng Alyadong Puwersa


Nagsimula ang kontra-opensiba ng Alyadong Puwersa, na kilala sa tawag na Opensibang Sandaang Araw, noong 8 Agosto 1918 nang sabay-sabay na sumugod ang Sandatahang Amerikano, Awstralyano, Briton, Kanadyano at Pranses mula Harbonnières sa Labanan ng Amiens. Sa sagupaang ito nakaabante ang pinagsama-samang sandatahan ng may 12 kilometro (7 mi) sa loob lamang ng pitong oras. Tinawag ito ni Heneral Ludendoff bilang "Itim na Araw ng Sandatahang Aleman".[83][84]
Nagpatuloy ang pag-atake ng Alyadong Puwersa at matapos ang mga labanan ng Albert, Arras, Bapaume, Noyon at Somme, napilitang umatras ang kabuuan ng Sandatahang Aleman sa Linyang Hindenburg upang duon muling magpalakas matapos makapagtamo ng matitinding pinsala. Samantala, 100 000 Aleman naman ang nabihag ng Alyadong Puwersa apat na linggo matapos ang 8 Agosto.[85][86][87]
Noon napagtanto ng mga komandanteng Aleman na hindi na nila kayang ipanalo ang digmaan. Nagpadala ng mensahe ng kasunduang pangkapayaan ang Austria-Unggarya noong 15 Setyembre sa lahat ng kanilang bansang binabaka at gayon din sa mga bansang nyutral. Ang Alemanya naman, nang sumunod na araw, ay nang-alok ng kasunduang pangkapayaan sa Belhika. Kapwa tinanggihan ng Alyadong Puwersa ang dalawang mungkahing nabanggit samantalang ipinaalam naman ito ng mga komandanteng Aleman sa mga pinunong nasa Berlin.[88]
Nagsimula ang Opensibang Meuse-Argonne noong 26 Setyembre nang salakayin ng Alyadong Puwersa sa pangunguna ng Pransiya't Estados-Unidos ang Linyang Hindenburg. Napasok ng pinagsamang sandatahan ang Champagne at napanalunan ang Labanan ng Tagaytay ng Blanc Mont. Napaatras ang mga Aleman papuntang Belhika habang nagtuloy-tuloy sa pag-abante ang mga Amerikano't Pranses.[89]
Samantala, kumalat sa panig ng Sandatahang Aleman ang balita tungkol sa napipinto nilang pagkatalo. Upang mapanatili naman ang giting ng Kaiserliche Marino, nagpasya sina Almirante Reinhard Scheer at Heneral Ludendoff na maglunsad ng isang malawakang opensiba sa katubigan, ngunit nang makarating ang balitang ito sa mga Alemang marino, marami ang tumanggi sa paniniwalang ang isasagawang opensiba'y mala-pagpapatiwakal. Nabunton ang sisi kay Ludendorff matapos ang pangyayari at siya'y sinibak sa tungkulin ni Kaiser Wilhelm II noong 26 Oktubre.[90]
Nagiging sariwa na ang banta ng himagsikan sa Alemanya. Nang sumuko naman ang Bulgarya, nawalan ng suplay ng langis at pagkain ang Alemanya nang makuha ng Alyadong Puwersa ang kontrol sa Tangway ng Balkan. Mula 1914 ay mahigit dalawang milyong sundalo na ang nalagas sa panig ng mga Aleman. Nagamit na rin ng imperyo ang lahat ng mga reserbang sundalo.[91][92]





ang paglagda ng armistisya sa kagubatan ng Compiègne, 11 Nobyembre 1918

[baguhin] Mga armistisya at wakas ng digmaan


Nagsimula nang bumagsak ang Puwersang Sentral nang sumuko at lumagda ng armistisya ang Bulgarya noong 29 Setyembre 1918 sa Tesalonica matapos ang mga labanan ng Dobro Pole at Doiran. Sunod namang lumagda ng armistisya ang Imperyong Otomano sa Moudros matapos matalo ang pinaka-epektibong puwersa nito sa Labanan ng Megiddo. Ang Austria-Unggarya naman, sa kabilang banda, ay lumagda ng armistisya sa Villa Giusti noong Nobyembre 3 nang tuluyan nang matalo ng mga Italyano ang kanilang sandatahan sa Labanan ng Vittorio Veneto.[93]
Samantala sa Alemanya, napilitan nang bumaba sa tungkulin si Kaiser Wilhelm II noong 9 Nobyembre at tumungo papuntang Olanda. Noong araw ding iyon itinatag sa Alemanya ang Republikang Weimar na siya nang lumagda ng armistisya noong 11 Nobyembre sa kagubatan ng Compiègne, Pransiya. Pagsapit ng ika-labing-isa ng umaga nang araw na iyon ipinatupad ang tigil-putukan sa Bunsurang Kanluran. Si George Lawrence Price, isang Kanadyano, ang itinuturing na kahuli-hulihang sundalong napatay noong Unang Digmaang Pandaigdig matapos siyang mabaril sa ganap na 10:57 at namatay nang sumunod na minuto.[94][95]

[baguhin] Teknolohiya


Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay isa sa pinakamapaminsalang digmaan sa kasaysayan. Humigit-kumulang sa 65 milyong katao, kapwa sundalo at sibilyan, ang nasawi bunga ng pag-unlad ng teknolohiya, na kagyat namang iniaplay sa digmaan. Nakaragdag pa sa malaking bilang ng mga nasasawi at nasusugatang sundalo ang pagpapairal ng pakikidigmang pambambang sa Bunsurang Kanluran na nakapagpabagal sa pag-abante ng mga sundalo. Pagsapit ng 1917, malawakan nang gumagamit ang magkalabang panig, ang Alyadong Puwersa at Puwersang Sentral, ng mga armored cars, awtomatikong riple, barkong pandigma, eroplano, flamethrower, nakalalasong gas, naglalakihang kanyon, submarino at tangke. Sa kabilang banda, naging malaki ring pakinabang ang paggamit telepono at komunikasyong walang kable sa larangan ng pakikipagtalastasan ng mga sundalo.[96][97]





ang masinggang Vickers
Nagkaroon ng pagbabago sa pormasyon ng impanterya kung saan pito hanggang sampung sundalo na lamang, sa halip na 100, ang pangunahing yunit ng maneobra laban sa mga kaaway. Dala nang palagiang pambobomba sa mga pinaglalabanang lugar, naimbento ng bawat nasyong kalahok ang iba't ibang uri ng helmet upang protektahan ang ulo ng bawat sundalo. Ilan sa mga helmet na ito ay ang Adrian (na ginagamit ng mga Pranses), Brodie (ng mga Briton at kolonya at maging ng mga Amerikano) at ang Stahlhelm (ng mga Aleman). Nanatiling namang pangunahing sandata ng nakararaming sundalo ang pistola, riple, bayoneta at granada. Sa pagkakaimbento ng masinggan, tulad ng Vickers, at mga awtomatikong riple, gaya ng BAR, Bergman MP18 at Lewis, naging imposible na ang maramihang harapang pagbabarilan para sa magkalabang panig.[98][99]





isang halimbawa ng kanyong daambakal
Noong 1914, ang mga kanyon ay karaniwang nang nakalagak sa mga lugar na pinaglalaban at pinapaputok ng tuwiran sa anumang puntirya. Nang sumunod na tatlong taon ay pinapaputok na ang mga ito nang hindi tuwiran ayon sa iba't ibang pamamaraan ng pagmamatyag. Upang mabawasan ang pinsalang naidudulot ng mga kanyon, naging karaniwan na ang paghahanap sa mga ito, ayon sa iba't ibang taktika, upang wasakin. Bawat bansang sangkot sa digmaan ay naimbento ng iba't ibang uri ng kanyon gaya ng howitser, mortar at ang kanyong daambakal. Naimbento naman ng mga Aleman ang iba't ibang uri ng Minenwerfer at ang Kanyong Paris na ginamit upang bombahin ang Paris sa layo ng 100 kilometro (60 milya).[100][101]
Isa naman sa kagimbal-gimbal na sandatang ginamit noong digmaan ay ang nakalalasong gas na nagdudulot ng masakit at mabagal na pagkamatay. Una itong ginamit ng Sandatahang Aleman sa Ikalawang Labanan ng Ypres noong 1915 at nang lumaon ay ng Alyadong Puwersa bilang paglabag sa Kumbensyong Hague nang 1907. Maraming uri ng nakalalasong gas ang naimbento ng magkalabang panig tulad ng klorin, mustard at posdyin bagaman hindi ito naging epektibo upang maipanalo ang isang labanan.[102][103][104]





ang tangkeng Mark ng mga Briton
Ang isa pa sa mga nakagigimbal na sandatang ginamit noong digmaan ay ang flamethrower, isang imbensyong Aleman. Noon ay isang napakabigat na sandata ang flamethrower, kaya't labis na lantad sa mga kaaway ang mga nagdadala nito. Ang isa pa ay ang tangke na may kakayahang tumawid sa mga bambang at alambreng bakod. Una itong ginamit ng mga Briton sa Labanan ng Somme noong 1916 at malawakang ginamit sa Labanan ng Cambrai nang sumunod na dalawang taon.[105][106]





isang U-boat ng mga Aleman
Sa pagsiklab ng digmaan ay kaagad namang ipinakalat ng Kaiserliche Marino, Hukbong Pandagat ng Alemanya, ang kanyang mga submarinong kung tawagin ay U-boat upang lumpuhin ang ekonomiya ng Gran Britanya sa pamamagitan ng pagpapalubog ng mga barkong pandigma't pangalakal nito. Bilang ganti ay nagsagawa naman ng panggigipit ang Maharlikang Hukbong Dagat ng Gran Britanya sa Alemanya nang sa gayo'y hindi makapasok dito ang suplay ng pagkain at amunisyon. Dala ng nasabing panggigipit ay kinailangan ng mga Aleman na maging praktikal sa pagpapanatili ng sapat na bilang ng amunisyon. Naging mailap naman ang mga U-boat kaya't kinailangan ng Gran Britanya na lumikha ng iba't ibang sandata at pamamaraan matugis lamang ang mga submarinong ito. Samantala noong 1918 ay gumamit ang Gran Britanya ng isang barkong panghatid-eroplano, ang HMS Furious, laban sa mga Zeppelin sa Tondern.[107][108]





ang Fokker Dr.I, isang eroplanong panlaban
Nilinang din noong digmaan ang paglikha ng iba't ibang uri ng mga eroplanong panlaba't pambomba. Sa pagsisimula ng digman ay ginagamit lamang ang mga eroplano sa mga misyong pagmamatyag hanggang sa makita ang kanilang potensyal sa estratehikong pambobomba at pagpapabagsak na rin ng kapwa eroplano. Naimbento ng Pransiya ang Nieuport 15, ng Gran Britanya ang Sopwith Camel, ng Alemanya ang Fokker Dr.I, ng Rusya ang Sikorsky Ilya Muromets at iba pa. Ang mga Ruso ang nagsagawa ng kauna-unahang malawakang pambobomba sa digmaan gamit ang nasabi nilang eroplano. Ginamit naman ng mga Aleman ang kanilang mga Zeppelin, isang malaking sasakyang panghimpapawid, upang bombahin ang London samantalang muling namang namalas ang malaking pakinabang ng mga obserbasyong lobo nang gampanan nila ang tungkulin sa mga misyong pagmamatyag. Noong mga panahong iyon ay ipinagkait sa mga piloto ang paggamit ng parakyada, liban na lamang sa mga sakay ng obserbasyong lobo, sapagkat may paniniwala noon na magbubunsod ito ng karuwagan sa panig ng mga piloto.[109][110][111]
Nagkaroon din ng pagbabago sa disenyo't kalidad ng mga daambakal at tren sapagkat dito mabilis na naipapadala ang mga sundalo, armas, amunisyon, pagkain at tubig sa mga pinaglalabanang lugar.[112]

[baguhin] Mga krimen sa digmaan

[baguhin] Mga sistematikong paglipol ng lipi

[baguhin] sa Imperyong Otomano






mga Armenyong pinaslang noong kasagsagan ng Armenian Genocide
Itinuturing na isang sistematiko paglipol ng lahi (o genocide sa Inggles) ang mga isinagawang pagpapatapon at maramihang pagpaslang ng Imperyong Otomano sa Kristiyanong populayon nito, partikular na sa mga Armenyo at gayundin naman sa mga Asiryo at Otomanong Griyego, mula 1915 hanggang 1918. Sa pagsisimula ng digmaan ay malaking kabuuan ng populasyong Armenyo ang umanib sa Imperyong Ruso kabilang na ang ilang sa mga makabayang kilusan nito gaya ng mga organisasyong Armenakan, Dasknak at Hunchak. Sinamantala ito ng pamahalaang Otomano upang ipatupad ang Batas Technir na nagsasaad sa pagpapatapon ng mga Armenyo mula Silangang Anatolia papuntang Sirya. Ayon sa tantiya ni Balakian at ng Pandaigdigang Samahan ng mga Paham ng Sistematikong Paglipol ng Lahi, tinatayang 250,000 hanggang sa 1.5 milyong at mahigit sa 1 milyong Armenyo ang namatay. Sa ngayon ay patuloy namang itinatanggi ng pamahalaang Turko ang mga paratang ng sistematikong paglipol ng lahi at sinasabing yaong mga namatay ay biktima ng mga labanan, taggutom at epidemyang rumagasa sa loob ng dating imperyo noong kasagsagan ng digmaan. [113][114][115]

[baguhin] sa Imperyong Ruso

Tinatayang may 20,000 Alemang naninirahan sa Volhynia at 600,000 Hudyo ang ipinatapon ng mga Rusong awtoridad. Noong 1916, isang kautusan ang ipinalabas na nagsasaad sa pagpapatapon ng may 650,000 Alemang naninirahan malapit sa Ilog Volga patungong Silangang Rusya ngunit hindi ito naisakatuparan nang sumiklab ang Himagsikang Ruso. Mula noon hanggang sa pagsisimula ng digmaang sibil ay may 60,000 hanggang sa 200,000 Hudyo ang namatay sa mga krimen, gaya ng mga pogrom, na naganap sa loob ng dating imperyo.[116][117][118][119]

[baguhin] "Paglapastangan sa Belhika"

Sa Belhika, dahil sa pangamba ng mga sundalong Aleman sa mga gerilyong Pranses at Belhiko (o francs-tireurs), minasaker nila ang mga taumbayan ng Andenne (211 ang pinatay), Tamines (384 ang pinatay) at Dinant (612 ang pinatay). Noon namang 25 Agosto 1914, sinunog ng mga sundalong Aleman ang bayan ng Leuven kasama na ang aklatan nito na naglalaman ng 230,000 aklat, pinatay ang may 209 mamayanan doon at pinilit ang may 42,000 katao na lumikas. Ang mga pangyayaring ito'y kinondina ng maraming bansa.[120]

[baguhin] Mga karanasan ng mga sundalo







Mga Boluntaryo ng Unang Digmaang Pandaigdig mula sa Armenya
Karamihan sa mga sundalong nakilahok sa digmaan ay pawang mga boluntaryo, liban na nga lamang sa Italya na sumapat ang bilang ng mga sundalo para sa digmaan. Gayunpaman, bawat isa sa kanila ay may malaking pananagutan sa serbisyong militar. Ang mga aklat tulad ng All Quiet on the Western Front na di lamang naglalarawan ng mga kaganapan ng digmaan kundi tumatalakay din sa kagimbal-gimbal na karanasan ng mga sundalo sa labanan. Nakapagtala ang Museong Pandigma ng Imperyong Britanya ng mahigit 2500 personal na talaarawan ng mga sundalo na nirebisa ng isang sundalong awtor, si Max Arthur. Ito'y naipalathalang lahat. Naniniwala ang mga nasa panig ng museo na hindi pa natatalang lahat ng mga awtor ang buong kaganapan ng digmaan. Ang mga museo na rin ang naglalaman ng mga impluwensya ukol sa digmaan na nais malaman ng mga awtor at mananaliksik.





Mga Bilanggo Ingles ng Unang Digmaang Pandaigdig

[baguhin] Mga bilanggo ng digmaan

Mahigit sa walong milyong sundalo ang nabilanggo sa panahon ng digmaan (prisoners of war o POW). Lahat ng mga bansang nakilahok sa digmaan ay pumayag sa sumunod sa mga patakaran ng Kumbensiyon ng Haya para sa pantay na pagtrato sa mga bilanggo ng digmaan. Sa kabuuan, higit na naging mabuti ang kalagayan ng mga bilanggong sundalo kaysa yaon sa mga lumalaban. Madalas sumuko ng maramihan ang mga sundalo kung sakaling magigipit at bihira ang sumuko ng nag-iisa. Sa Labanan ng Tannenberg, 92 000 Ruso. Bigla itong naragdagan ng 20 000 nang makubkob at sumuko ang mga tagapagtanggol ng Garison ng Kaunas noong 1915. Halos kalahati sa lahat ng mga lumalabang Ruso ay naging mga bilanggo, 32% naman para sa Austria-Unggarya, 26% sa Italya, 12% sa Pransya, 9% sa Alemanya at 7% naman sa Gran Britanya. Umabot sa mahigit 1.4 milyong sundalo ang naging bilanggo sa panig ng Alyadong Pwersa. Hindi pa rito kasama ang Rusya na nakapagtala ng higit pang bilang ng mga bilanggo; lumalakad sa pagitan ng 2.5 hanggang 3.5 milyong sundalo. Para naman sa panig ng Pwersang Sentral, mahigit 3.3 milyong sundalo ang naging bilanggo.





Larawan ng isang sundalong Indiyan na pinalad mabuhay matapos ang Pagkubkob sa Kut noong 1916
2.5 milyong bilanggo ang nalagay sa mga piitan ng Alemanya, 2.9 milyon naman sa Rusya, 720 000 sa Gran Britanya at Pransya at 48 000 para sa Estados Unidos. Karamihan sa mga ito'y nabilanggo sa kasagsagan ng digmaan. Pinakamapanganib na sitwasyon ang pagsuko na kung di papalarin ay minsa'y binabaril ang mga kaawa-awang sundalo. Sa kabila naman nito'y naging mabuti ang kalagayan ng mga sundalong nabibilanggo dahil na rin sa tulong ng Pandaigdigang Pulang Krus at ng mga boluntaryong mediko mula sa mga nyutral na bansa. Sa katunayan, ang kalagayan ng mga bilanggo ng digmaan sa Unang Digmaang Pandaigdig ay higit pang mabuti kaysa sa sitwasyong naranasan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ngunit hindi gaanong nakasabay sa sistemang ito ang Rusya na noo'y binabayo ng samu't saring suliraning panloob at rebolusyon kaya't laganap sa mga piitan ang gutom. Bunga nito, 15% hanggang 20% ang namatay sa panig ng mga bilanggo sa Rusya. Kabaligtaran naman ito sa Alemanya na bagaman kakaunti ang suplay ng pagkain ay 5% lamang ang namatay.
Hindi naman naging maganda ang pagtrato ng Imperyong Ottoman sa kanilang mga bilanggo. Matapos bumagsak ang depensa ng mga Ingles at Indiyan noong Abril 1916 sa Kut, Mesopotamia, 11 800 sundalo ang nabihag. Bagaman mahina na ang pangangatawan ng mga sundalo buhat sa nasabing labanan, sapilitan silang pinagmartsa ng may 1100 kilometro (684 mi) patungong Anatolia. Isa sa mga nabuhay ang nakapagsabi: "Kami'y parang itinuring na mga halimaw at ang pagsuko ng mga katawan namin ay nangangahulugan ng kamatayan". Umabot sa 4250 ang namatay sa nasabing martsa at ang mga natirang buhay ay sapilitan namang pinagpagawa ng riles ng tren sa kahabaan ng Bulubunduking Taurus.
Sa Rusya, matapos makalabas ng kulungan ang mga bilanggo mula sa Hukbong Tseko ng Sandatahang-lakas ng Imperyong Austria-Unggarya noong 1917, muli silang nagsundalo o di kaya'y naging tagapamayapa sa Digmaang Sibil ng Rusya.

[baguhin] Mga sugong militar at tagapagbalita ng digmaan


Sinubaybayan ng mga mananaliksik na militar at sibilyan mula sa mga pangunahing bansa ang mga kaganapan sa digmaan. Marami ang nakapagbalita ng mga kaganapan sa pagitan ng mga naglalabang bansa kung saan sila ang mga kauna-unahang nakapagtala ng mga mahahabang sanaysay at pagsusuri ukol sa digmaan.
Isang halimbawa na rito si Kapitan Granville Fortescue ng Sandatahang-lakas ng Amerika. Isa siya sa mga masusi at matiyagang sumubaybay sa mga pangyayaring nakapaloob sa Labanan ng Gallipoli. Isinulat niya ang mga kaganapan sa panig ng mga tagapagtanggol na Turko at matapos mapasuri ang lahat ng iyon sa sensura ng mga Turko, ipinalimbag niya ito sa London at Bagong York. Subalit natigil ang iba niyang pananaliksik ng pumasok sa digmaan ang Estados Unidos, kung saan si Fostescue, habang lumalaban ay nasugatan sa Montfaucen d'Argonne noong kasagsagan ng Opensibang Meuse-Argonne ng Setyembre 1918.
Ang higit pang malalalim at malalawak na pagtalakay sa takbo ng digmaan ay isina-artikulo ng mga mamamahayag nang matapos na rin mismo ang Unang Digmaang Pandaigdig. Tinatalakay ng mga artikulong ito ang malalagim na pinsalang ibinubunga ng bawat labanan. Sa digmaang ito hindi unang pinahalagahan ang paggamit ng taktika ng pagkukuta habanag napagsasanggalang ng mga masinggan at naglalaking artileriya. Ang taktikang ito ay una ng napag-aralan sa Digmaang Ruso-Hapon ngunit ang mga pagsasaliksik na ito sa pagpapairal ng taktika sa labanan ay hindi gaanong pinahalagahan sa Unang Digmaang Pandaigdig.

[baguhin] Mga pagsuporta at pagtutol sa digmaan


[baguhin] Pagsuporta






Ang Pagbaril sa ilang nagsipag-alsa sa Verdun, Pransya noong 1917

[baguhin] Pagtutol

Ang unyon ng mga mangangalakal at sosyalistang kilusan ay ilan lamang sa mga pangunahing tutol sa digmaan. Ngunit nang magdeklara na ang bawat magkalabang bansa ng digmaan, marami sa mga samahan at kilusang ito ay bumaligtad at sumuporta sa pamahalaan ng kani-kanilang bansa. Ngunit may ilan din namang patuloy sa tumutol tulad ng mga Bolsheviks, ang Partido Sosyalista ng Amerika, Partido Sosyalista ng Italya at mga indibidwal tulad nina Karl Liebknecht, Rosa Luxemburg at ng kanilang mga tagasuporta sa Alemanya. Mayroon din maliliit na samahang tutol sa digmaan sa Gran Britanya at Pransya. Marami ang tumanggi ayon sa paniniwala sa sosyalismo at maging sa kani-kanilang relihiyon. Sa Gran Britanya pa lamang ay 16 000 katao na ang umusisa sa digmaan. Marami ang nabilanggo dahil sa pagtutol; sila'y ipiniit ng nag-iisa sa bawat selda at tinapay at tubig lamang ang ibinibigay bilang pantawid-gutom. Sa ibang pagkakataon tulad na lamang sa Gran Britanya, yaong mga tumutol sa nakaraang digmaan, kahit natapos na ito ay hindi pinayagang makapagtrabaho. Ipinadakip din iyong mga taong nagsasalita ng hayagan sa publiko na kumekwestiyon sa digmaan. Kinabibilangan ito nina Eugene Debs ng Estados Unidos at Bertrand Russell ng Gran Britanya. Sa Estados Unidos, nang maipatupad ang Batas Pang-eespiya ng 1917, ipinagbawal ang malayang pagtatalumpati laban sa digmaan na di umano'y nagpapakita ng kawalang-pagkamakabayan. Marami ang nakulong ng ilang taon nang sinimulang pairalin ang batas na nabanggit. Isinasaad naman sa Batas Sedisyon ng 1918 na sinumang gumawa ng kahit anong pahayag na tumutuligsa sa digmaan ay ituturing na kawalang katapatan sa bansa at isang krimeng pederal. Ipinaalis din ng mga sensura ang mga lathalaing bumabatikos sa pamahalaan.
Nang magsimula ang rebolusyon sa Gitnang Asya noong kasagsagan ng tag-init ng 1916, napilitan ang Rusya na isama ng serbisyong militar ng imperyo ang malaking bahagi ng populasyong Muslim nito. Noong Setyembre 1917, sinimulan namang usisain ng mga Ruso sa Pransya ang kanilang mga sarili kung bakit sila lumalaban para sa mga Pranses na kalaunan ay nagsipag-alsa. Sa Rusya, mismong ang mga sundalo na rin ang nagpahayag ng pagtutol sa digmaan at iba't ibang kilusang makabayan ang itinatag na tumulong sa pagtatagumpay ng Rebolusyong Oktubre ng 1917 mula na rin sa kanilang panawagan ukol sa "tinapay, lupain at kapayapaan". Napilitang sumang-ayon ang mga Bolsheviks sa kagustuhan ng mga Aleman sa Tratado ng Brest-Litovsk, sa kabila ng mga magagaspang nitong kondisyon.

[baguhin] Konskripsyon

[baguhin] Mga kinahinatnan







Ang mapa ng mundo pagsapit ng 1918: Sinasagisag ng berde at dilaw-berdeng kulay ang mga lugar na kontrolado ng Alyadong Pwersa samantalang dalandan at dilaw naman para sa mga teritoryong hawak ng Pwersang Sentral.
Walang ibang digmaang nakapagpabago sa mapa ng Europa ng gaun-gayon na lamang - apat na imperyo ang naglaho; ang Aleman, Austria-Unggarya, Ottoman at Ruso. Gayundin, Apat na dinastiya ang namatay; ang Hohenzollerns, ang Hapsburg, Romanov at ang Ottoman kasama na ang kani-kanilang aristokrata, lahat bumagsak matapos ang digmaan. Matinding pinsala ang iniwan ng digmaan sa Belhika, Pransya at Serbya. Gayon din naman sa Alemanya at Rusya.
Sa 60 milyong sundalong Europeo na namobilisa mula 1914 hanggang 1918, 8 milyon ang napatay, 7 milton ang permanenteng nabaldado at 15 milyon ang seryosong nabalian. Nawalan ang Alemanya ng 15.1% ng aktibong populasyon nito ng mga lalaki, 17.1% ay sa Austria-Unggarya at 10.5% para sa Pransya. Tinatayang 750 000 sibilyang Aleman ang namatay sa gutom bunga ng panggigipit na isinagawa ng plotang Ingles sa mga rutang pangkalakalan ng Aleman sa dagat. Matapos ang digmaan, ang taggutom na lumaganap sa Lebanon ay tumangay ng buhay ng 100 000 katao. Bukod pa dito'y kumalat ang isang epidemya sa buong mundo. Ito ay ang Trangkasong Kastila o Spanish Flu, isang uri ng kakaibang trangkaso na tinatayang pumatay ng 50 milyong katao. Nauna rito, noon namang 1914, panahong nagsisimula pa lamang ang digmaan, 200 000 ang namatay sa Serbya bunga ng pagkalat doon ng tipus. Higit naman ang epekto ng nasabing sakit sa Rusya kung saan 25 milyong tinamaan, 3 milyong ang namatay mula 1918 hanggang 1922.





Ang pagtulong ng mga nars ng Pulang Krus ng Amerika sa mga pasyenteng tinamaan ng Trangkasong Kastila sa isang pansamatalang ward na itinayo sa Pambayang Awditoryum ng Oakland.
Pagsapit ng 1921, isang taggutom na lumaganap sa Rusya ang nakapatay ng 5 hanggang 10 milyong katao. Nang sumunod na taon, tinatayang 7 milyong bata ang naiwang laganap (walang permanenteng tirahan) bilang resulta sa halos isang dekadang bago ng pagkawasak na idinulot ng Unang Digmaang Pandaigdig, ng rebolusyon at ng Digmaang Sibil ng Rusya. Sa pagtatagumpay ng rebolusyon sa dating Petrograd (San Pedrosburgo ngayon), maraming bilang ng mga kontra-komunismong Ruso ang umalis mula sa Rusya kaya't noong mga taon ng 1930s, sa lungsod pa lamang ng Harbin sa hilagang Tsina ay may 100 000 Rsuo na ang naninirahan.

[baguhin] Mga kasunduang pangkapayapaan






Mga pinuno ng Alyadong Pwersa sa Komperensyang Pangkapayapaan ng Paris (1919)
Matapos ang digmaan, nagpataw ng ilang serye ng mga kasunduang pangkapayaan ang Alyadong Pwersa sa Pwersang Sentral. Nanatiling sarado ang Alemanya sa panlabas na pakikipag-ugnayan hanggang sa lumagda siya sa Tratado ng Versailles noong 1919. Sa naturang kasunduan, sinisi ang Alemanya bilang responsable sa nakaraang digmaan at inatasang magkaloob ng bayad-pinsala at mga teritoryo sa Alyadong Pwersa. Sapagkat nagtamo nga ng matinding pagkatalo, hindi kaagad nakapagbayad ang Alemanya. Napilitan ngayong umutang ang nasabing bansa sa Estados Unidos hanggang sa ito'y sinuspindi noong 1931. Nagbunga ng matinding paghihirap para sa mga Aleman ang Tratado ang Versailles kaya't lumaganap ang mga kilusang makabayan partikular na ang Dolchstosslegende. Di nagtagal, pagsapit ng 1920 ay bumagsak ang ekonomiya ng Republikang Weimar.
Nawasak ang Imperyong Ottoman at ang mga teritoryo nito ay pinaghati-hatian bilang mga protektorado ng Alyadong Pwersa. Samantala, tumanggi namang aprubahan ng sultan at kilalanin ng Kilusang Republikang Turko ang Tratado ng Sèvres noong 1920 para sa higit pang paghati-hati ng Imperyong Ottoman. Nagbunga ito sa pagsiklab ng Digmaang Pangkasarinlan ng Turkiya na nagtapos noong 1923 sa atas ng Tratado ng Lausanne kung saan ipinroklama ang Republika ng Turkiya





Mga Bagong Bansa sa Europa at Gitnang Silangang Asya mula sa labi ng mga Imperyo ng Alemanya, Austria-Unggarya, Ottoman at Rusya, 1923

[baguhin] Pagtatatag ng mga bagong bansa

Muling lumitaw sa mapa ng Europa ang Polonya bilang isang malayang bansa matapos ang matagal na panahong pagkakapailalim nito sa pamamahala ng dating Imperyong Rusya. Mula rin sa labi ng imperyong nabanggit nakamit ng Estonya, Latbiya, Litwaniya at Pinlandiya ang kalayaan. Ang Bessarabia naman sa gawing timog-kanluran ng imperyo ay napunta sa Rumanya at sa gawing timog, ilang teritoryo ang napunta sa Turkiya. Kaugnay nito, nagwakas ang monarkiya sa Rusya at napalitan ito ng isang komunistang pamamahala. Tinawag ang huli bilang Unyong Sobyet na inihayag ng mga Bolshevik noong Disyembre 1917 matapos magtagumpay ang Rebolusyong Ruso na nagpabagsak Pamahalaang Probisyunal. Sa bahagi naman ng Bulubunduking Caucasus, pansamantalang nakalaya ang mga bansa ng Armenya, Aserbayan at Georgia sa ilalim ng Imperyong Ruso matapos ang Rebolusyong Ruso noong 1917 ngunit muling napailalim sa kapangyarihan ng Unyong Sobyet noong 1923.





Mga Mandato ng Liga ng mga Bansa sa Gitnang Silangan at Aprika
Pinalitan ng Turkiya ang dating Imperyong Otomano noong 1923 at ang mga dati nitong nasasakupang teritoryo ay napailalim sa mandato ng Gran Britanya at Pransya. Napasailalim sa kontrol ng una ang Irak, Hordan at Palestina at ng huli ang Lebanon at Sirya. Sa timog, nakamit naman ng Arabyang Saudi at Yemen ang pagkabansa kasabay na ng kalayaan ng mga ito.
Sinapit din ng imperyo ng Austria-Unggarya ang nangyari sa Imperyong Otomano. Ang mga teritoryo nito ay nahati kung saan naitatag ang iba pang mga bansa. Sa dakong hilaga, itinatag ang Tsekoslovakia mula sa pinagsamang Bohemya at Slovakia. Samantala, ang mga dati nitong nasasakupang bansang Slav na binubuo ng Croatia, Slovenia, Bosnia at Herzegovina ay nakipagsanib sa mga bansang Serbya at Montenegro upang buuin ang bansang Yugoslabya. Ang Transylvania naman ay napunta sa Rumanya, ang Tirol sa Italya at ang ilan pang teritoryo sa hilaga ay napunta sa Polonya. Ang Unggarya ay nagdeklara rin ng kasarinlan at natira na lamang ang Austria na siyang sentro ng dating imperyo.





Mga Mandato ng Liga ng mga Bansa sa Karagatang Pasipiko
Nawalan ng mga kolonya ang Alemanya sa Aprika at Asya-Pasipiko. Ang mga teritoryo nito gaya ng Togoland at Kamerun ay napunta sa pamamahala ng Gran Britanya at Pransya. Ang Silangang Aprikang Aleman ay napunta sa huli at ang mga kalapit nitong Burundi at Ruwanda at napapunta sa Belhika. Ang Timog-kanlurang Aprikang Aleman ay napasailalim naman sa mandato ng Unyon ng Timog Aprika. Lahat ng mga teritoryong Alemang ito sa Aprika ay napamahalaan sa pamamagitan ng Liga ng mga Bansa bilang pangkalahatan.
Sa Pasipiko, ang Kapuluang Bismarck ay napunta sa pamamahala ng Australya samantalang ang Nauru ay sa Gran Britanya. Sa dakong timog-silangan pa ng karagatan nauwi sa pamamahala ng Bagong Selanda ang Kanlurang Samoa. Ang malaking bahagi naman ng mga pulo ng Carolinas, Marianas at Marshall ay napunta sa pamamahala ng Hapon. Samantala, napabalik naman ang Lalawigan ng Shantung sa Tsina.
Ang Alemanya man din ay nawalan ng mga karatig teritoryo nito sa mga hangganan. Ang Hilagang Schleswig ay napunta sa Dinamarka. Sa silangan, ang Kanlurang Prusya at ang Lalawigan ng Posen ay napunta sa Polonya. Inihayag naman ang Malayang Lungsod ng Danzig bilang isang estado na may pagkakasarili. Sa gawi namang timog-silangan ng hangganan, ang teritoryo ng Memel ay ipinailalim sa pandaigdigang kontrol. Ang Ilayang Silesia naman ay napapunta sa Polonya at ang Rehiyong Hlučín sa Tsekoslobakya. Ang Alsace-Lorraine naman sa kanluran ay muling napabalik sa Pransya matapos ang ilang taong pagkakahiwalay nito sa nasabing bansa mula noong Digmaang Pranko-Prusyana. Ibinigay naman ang mga teritoryo ng Eupen-Malmedy sa Belhika.

[baguhin] Mga sumunod pang digmaan

Kasabay ng pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig ay ang pagsisimula ng ilan pang mga hidwaan kung saan ang ilan dito ay nagpapatuloy pa rin magpasahanggang ngayon. Ang mga Bolsheviks sa pangunguna ni Vladimir Lenin ay nakipaglaban para sa isang sosyalistang rebolusyon. Sa pagkadismaya ng mga Aleman sa kontrobesyal na Tratado ng Versailles, nagawa ni Adolf Hitler na makakuha ng suporta at maluklok sa kapangyarihan. Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay sumiklab dulot na rin ng mga ibinungang hidwaan na hindi nasolusyonan sa pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, at sa katanuyan, ito'y naranasan ng mga Aleman mula 1930s hanggang 1940s matapos ng ilang kasunduang at kautusang ipinataw sa kanila ng Alyadong Pwersa na kung saan ang karamihan ay di makaturungan. Sa pagtatapos din ng digmaan umusbong ang di matapus-tapos na Hidwaang Israeli-Palestino. Nagkaroon din ng ilang laitan sa pagmamay-ari ng lupa bunga ng mga pagbabagong nangyari sa mga hangganan ng bawat bansa at marami pang iba.

[baguhin] Panlipunang pagkagimbal

Ang panlipunang pagkagimbal (social trauma) na sanhi ng malawakang pagpatay sa digmaan ay lumantad sa iba't ibang aspeto. Namayani sa damdamin ng maraming tao ang nasyonalismo na naglayong maging sabansaan o internasyonal ang mundo. Noo'y sinuportahan ang mga kilusang makatao at ilan pang organisasyon gaya ng Liga ng mga Bansa at ang ideya ng Pasipismo na nagsusulong sa pagtutol sa digmaan at karahasan. Sa kabilang banda, umusbong rin ang Pasismo na naglalayong gumamit ng dahas upang makamit ang higit pang kapangyarihan. Sa pangkalahatan ay marami ang nabagong aspeto sa bawat lipunan ng bawat bansang nakipaglaban matapos ang digmaan.
Ang mga karanasan sa digmaan ay nagresulta ng mga pagkagimbal o trauma na naranasan ng lahat ng mga bansang lumahok sa digmaan. Sa mga sumunod na taon makalipas ang digmaan, nagdalamhati ang mga mamamayang namatayan, nabaldado at nawalan ng mga minamahal sa buhay. Karamihan sa mga sundalo at ilang beterano ng digmaan ang nakaranas ng pagkagimbal matapos magwakas ang Unang Digmaang Pandaigdig. Naglaho noon ang optimismo ng la belle époque at yaong lahat-lahat ng mga taong nakipaglaban sa Unang Digmaang Pandaigdig ay tinawag na ang Nawalang Salinlahi.

[baguhin] Mga Epekto sa ekonomiya

Isa sa mga naging epekto ng digmaan ay ang paglawak ng kapangyarihan at responsibilidad ng mga nagwaging bansa partikular na ang Gran Britanya, ang Pransya at Estados Unidos. Kakambal nito ang pagtatatag ng mga panibagong pamahalaan at paghahalal ng iba't ibang opisyal. Binago rin ang pamamalakad sa paniningil ng buwis upang matugunan nito ang lumalaking pangangailangan ng bawat bansa. Dumanas ng paghihirap ang Alemanya't Austria-Unggarya bunga ng pagkatalo nito sa digmaan.
Matapos ang digmaan, tumaas ang Pangkalahatang Produktong Domestiko o PPD (Gross Domestic Product o GDP sa Inggles) ng Gran Britanya, Italya at Estados Unidos samantalang kabaligtaran naman ito ng sa Pransya, Rusya, ang Olanda, Alemanya, Austria-Unggarya at ng Imperyong Ottoman na bumaba. Umabot sa 30 hanggang 40% ang ibinaba ng PPD sa mga bansang Austria, Pransya, Imperyong Ottoman at Rusya. Halimbawa na lamang sa Austria na sa pagtatapos ng digmaan ay nabuusan halos ng suplay ng karne bunga walang patumbagang paggamit nito noong nakaraang digmaan.
Naapektuhan din ang makro at maykro-ekonomiks ng bawat bansang lumahok sa digmaan. Malaki ang naging epekto ng paglisan ng mga kalalakihan mula sa bawat pamilya upang lumaban. Dahil dito, napilitan ang maraming kababaihan na maghanapbuhay kahit sa mga gawaing pangkalalakihan upang matustusan ang mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Malaki ang naging papel nila sa pagpapatakbo ng industriya ng bawat bansang lumalaban na kalaunan ay humantong sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga kababaihan.
Sa Gran Britanya, pagsapit ng 1918 ay sinimulan noon ang pagrarasyon ng pagkain na nilimitahan sa karne, asukal at iba pa liban na lamang sa tinapay. Ang sistemang ito ay gumana ng maayos. Mula 1914 hanggang 1918, tumaas ang bilang ng mga kasapi ng bawat unyon ng mga manggagawa umabot hanggang apat hanggang walong milyon. Nagsipag-aklas noon ang karamihan sa mga unyon ng mga manggagawa bunga na nga di pantay na distribusyon ng presyo sa bawat bilihin, ang pagkontrol ng pamahalaan sa kalakaran ng pagbebente ng mga inuming alkohol, matinding pagod bunga ng paggawa sa panahong lampas sa oras ng itinakdang trabaho (o overtime), pagtatrabaho maging sa araw ng Linggo na itinuturing na panahon ng pahinga at kulang na pondo para sa pagpapabahay. Upang malunasan ang mga nasabing problema, kinailangan ng Gran Britanya na humanap ng tulong mula sa mga kolonya nito. Noon di'y natuklasan ng isang heolohista, si Albert Ernest Kitson ang mga mayayamang deposito ng iba't ibang uri ng mineral sa mga kolonya sa Aprika.

[baguhin] Mga alaala hinggil sa digmaan

[baguhin] Mga bantayog at pagdiriwang bilang paggunita






Isang Bambang ng Unang Digmaang Pandaigdig sa Tagaytay ng Vimy, Pransya sa Kasalukuyan
Matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig, maraming bantayog ang itinayo sa libu-libong nayon at bayan sa Europa bilang alaala sa mga sundalong namatay sa nakaraang digmaan. Ang mga libingan naman ng mga sundalong pumanaw kalaunan ay pinagbuti't pinagyaman sa ilalim nh pangangalaga ng iba't ibang organisasyon tulad ng Commonwealth War Graves Commision, ang American Battle Monuments Commision at Le Souvenir francais.
Karamihan sa mga libingan naipatayo ay mayroong pangunahin o sentrong monumento bilang alaala sa mga nawawala ng digmaan o sa mga di kumpirmadong patay. Halimbawa nito ay ang Tarangkahan ng Menin at ang Bantayog ng Thiepval para sa mga Nawawala ng Somme.
Sa Australya at Bagong Selanda, ipinagdiriwang taun-taon ang Araw ng Anzac bilang pag-alaala sa mga sundalo nilang nakipaglaban sa Gallipoli. Tinatawag itong "Baptismo ng Apoy" sa kanilang kasaysayan. Bukod pa rito, umusbong ang nasyonalismo sa mga bansang nasasakop noon ng Gran Britanya. Tinahak noon ng Kanada ang landas patungong kasarinlan mula noong mapagtagumpayan nila ang Labanan ng Vimy Ridge ng walang tulong sa kahit sino mang kaalyado. Sa Indya, inasahan ng mga tagaroon ang kasarinlan bilang sukli sa kanila ng Gran Britanya sa malaki nilang pagtulong sa Alyadong Pwersa noong digmaan.



Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay isang pandaigdigang labanan na nagsimula noong Hulyo 7, 1937 sa Asya at Setyembre 1, 1939 sa Europa. Natapos ito hanggang 1945, at nasangkot ang karamihan ng mga bansa sa daigdig at bawat kontinente na may naninirahan. Tinuturing ito na pinakamalawak, pinakamahal at pinakamadugong labanan sa kasaysayan ng sangkatauhan.Maaalalang ang mga bansang lumahok sa digmaan ay nagbuhos ng napakaraming pwersang militar upang lupigin ang bawat panig.


Dahilan ng Digmaan

Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay nagtapos sa pagkatalo ng Alemanya noong 1918. Naniwala ang mga Aleman na sila ay hindi makatarungang sinisi sa digmaan. Sila ay ginamit pambayad ng pera sa Britanya at Pransya na nagwagi sa digmaan.
Ang mga Hapones ay tumulong talunin ang Amerika. Naramdaman nila na karapatan nilang magpalawak ng kapangyarihan sa Asya. Ngunit pinigilan sila ng Pinag-isang Kaharian at Mga Pinag-isang Estado ng Amerika.

[baguhin] Pagsikat ng mga Diktador


Adolf Hitler, Führer ng Germany
Noong mga 1930, sinimulan ng mga pinunong militar ng Hapon ang pananakop sa mga bahagi ng Tsina at iba pang bansang Asyano. Nasakop ng Hapon ang Manchuria noong 1931. Nang malaman ito ng League of Nations, umalis ang Hapon at lumawak ang imperyo sa labas ng bansa.
Ang Alemanya ay napasakamay ng partidong Nazis noong 1933. Ang kanilang pinuno ay si Adolf Hitler. Sinisi niya ang mga suliranin ng Alemanya sa mga Jews. Sunod-sunod ang mga pakikipag-ugnayan niya sa mga karatig bansa, partikular ang bansang Italya na nasa ilalim ng pamumuno ni Benito Mussolini sa ilalim ng Batas Militar.

[baguhin] Digmaan sa Europa


Watawat ng Alemanyang Nazi
Idinagdag ni Adolf Hitler sa Alemanyang Nazi ang mga bahagi ng Awstriya at Sudetenland, isang lugar sa Tseka. Nakipagsunduan rin siya kay Joseph Stalin para magtulungan at di magdeklara ng digmaan sa bawat isa. Madaling sinakop ng Alemanya ang Polonya, sa tulong ng Unyong Sobyet noong Setyembre 1,1939 at nagdeklara ng digmaan ang Britanya at Pransya. Ang uri ng digmaang ito ay tinawag na ''blitzkrieg'' o digmaang kidlat dahil sa bilis nito. Ang Dinamarka, Noruwega, Belhika, Olanda, at Pransya ay bumagsak sa kamay ng blitzkrieg.
Nanatiling malaya ang Britanya. Gusto ni Hitler na wasakin muna ang hukbong panghimpapawid ng Britanya bago sakupin ang bansa. Noong Agosto 12, 1940, binomba ng Alemanya ang katimugang baybayin ng Inglatera. Pinagsamasama ni Punong Ministro Winston Churchill ang kanyang hukbo para lumaban. Ang mga Briton ay tinulungan ng lihim na imbensyon, ang radar, na ginamit para malaman kung may hukbong panghimpapawid papunta sa bansa. Di nasakop ng Germany ang Britanya.
Noong Hunyo, 1941, tinapos na ni Hitler ang pananakop sa Britanya para simulan ang pananakop sa Unyong Sobyet. Ayon sa mga historiko, ito ang pinakamalaking pagkakamali ni Hitler. Gusto niya ng bakanteng lugar para sa mga German at makontrol ang kayamanan ng rehiyon. Gusto rin niyang pabagsakin ang komunismo at talunin ang pinakamakapangyarihang karibal na si Joseph Stalin. Umaabot sa talong milyong sundalo ang pinasugod ni Hitler sa Rusya. Hindi nakapaghanda si Stalin sa pagsugod ng Germany. Higit sa dalawang milyong sundalo at sibilyan ang namatay sa kamay ng mga Germans. Nagkasundo ang Unyong Sobyet at Britanya na magtulungan sa digmaan.

[baguhin] Digmaan sa Asya

Nag-siklab rin ang digmaan sa Pilipinas. Dulot ito ng pagsabog ng Pearl Harbor sa Hawaii, Malaya (Malaysia at Singapore sa ngayon),at iba pa. Inutos ni Franklin D. Roosevelt ang pagsama ng Amerika sa digmaan. Ang Pamahalaang Komonwelt ni Manuel L. Quezon ay inilikas sa Malinta Tunnel sa Corregidor. Nilisan nina Quezon at MacArthur ang Pilipinas, si Quezon sa Amerika; para ilikas ang Komonwelt, pati na rin ang kanyang gabinet at pamilya, habang si MacArthur ay pumunta sa Australia. Sumuko ang mga sundalo sa Bataan, at ito ang puno't dahilan ng Martsa ng Kamatayan. Naglakad ang mga sundalong Pilipino at Amerikano mula sa Mariveles, Bataan papuntang Capas, Tarlac. Marami pa ang nangyari.
Noong Hunyo 6, 1944, ang paglumunsad ng mga sundalong Amerikano, Briton at Kanadyano ay nagsimula ng pagsakalay sa Normandy, Pransya ay lumaban ng mga sundalong Aleman. Ang mga puwersang Kakampi sa tulong ng mga sundalong Pranses sa Normandy ay nagsimula ng pagpapalaya sa Pransiya.
Noong Oktubre 20, 1944, Bumalik si heneral Douglas MacArthur at mga kasamahan ni dating pangulong Sergio Osmena, heneral Basilio J. Valdes, brigidyer heneral Carlos P. Romulo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at si heneral Richard H. Sutherland ng Hukbong Katihan ng Estados Unidos ay ang dumaong ng puwersang Amerikano sa Palo, Leyte. At nagsimula ng Pagpapalaya ng bansang Pilipinas sa pagitan ng pagsamahin na mga tropang Pilipino at Amerikano kabilang ang mga kumilalang pangkat ng mga gerilya noong 1944 hanggang 1945 at ang pagsalakay ng puwersang Hapones. Nagsimula ang Labanan ng Pagpapalaya sa Maynila noong Pebrero 3, hanggang Marso 3, 1945 ay nilusob ng magkakasanib na hukbong Pilipino at Amerikano na isinalakay at pagwasak ng pagbobomba sa ibabaw ng kabiserang lungsod laban sa hukbong sandatahan ng Imperyong Hapones, at mahigit sa 100,000 mga Pilipinong sibilyan ang napatay sa kamay ng mga hukbong Hapones. Noong Setyembre 2, 1945, sumuko si heneral Tomoyuki Yamashita sa mga tropang Pilipino at Amerikano sa Kiangan, Lalawigang Bulubundukin (ngayon Ifugao) sa Hilagang Luzon. Nagsimula ang mga sundalong Pilipino at Amerikano ay naghahanda ng pagsalakay at pagpapalaya sa Hilagang Luzon ay lumaban sa mga hukbong Imperyong Hapones noong 1945.
Noong Abril 16, 1945, pumasok ang mga sundalong Sobyet sa lungsod ng Berlin, matatagpuan sa kabiserang lungsod ng Alemanyang Nazi ay lumaban sa mga sundalong Aleman ay sinira ito at nagwasak ng lungsod at may hihigit sa 600,000 sundalong Aleman at mga sibilyan ang namatay at nasugatan sa mga kawal ng pulang Sobyet. Noong Mayo 8, 1945, Ang pagkatalo ng mga Alemanyang Nazi at ang pagsuko sa pwersang Kakampi.
Natapos lamang ang digmaan sa buong mundo pagkatapos ng pagpirma ng pagsuko ng mga sundalong Hapon sa sundalong Amerikano, pagkatapos ng pagbobomba sa Hiroshima at Nagasaki, noong Setyembre 2, 1945, sa Look ng Tokyo, Hapon.


 RIZAL HIGH SCHOOL
II-JENNINGS
ARALING PANLIPINAN II
Mrs. Capua

Prepared by:
Michael John M. Loren